Saturday, March 12, 2011

Critical Commentary 3: Indigenous Filipino Theories


Dahil ang pangatlong commentary ay tungkol sa mga katutubong narratibo o indigenous narratives, sa aking palagay, nararapat na ako ay magsulat ng aking mga pananaw at pagninilaynilay sa wikang aking kinagisinan, ang wikang Filipino.

Nakakatawang isipin na dapat ako ay “pilitin” magsulat sa wikang Filipino subalit ito nga naman dapat ang ating gamit pansulat at pansalita. Bakit nga ba ganito ang takbo ng pagiisip ng mga Pilipino? Bakit natin pinangununahan magsalita at magsulat ng Ingles at binebalewala ang ating sariling wika? Minsan nga, naiisip ko kung bakit nagiging “automatic” na sa akin magsalita ng Ingles pero pagdating na wikang Filipino ay nagdadalawang isip pa kung pwede o hindi. Pero naisip ko rin na  ang “medium of instruction” kasi ay Ingles kaya siguro ganyan. Ngunit bakit may ibang taong nagpupumilit magsalita ng Ingles kahit hindi naman angkop. Mas gusto pa nila magsalita ng barok na Ingles o “spokening dollar”, para lang matawag na sosyal. Bakit naging ganito ang bunga? Sa aking palagay, ang itong pangyayaring ito ay sumasalamin sa ating pagtalikod, hindi lang sa ating wika, ngunit sa ating pagkaPilipino na rin. Dapat aalahanin na hindi porket ideya ng banyaga ay magaling na. Meron tayong mga kakahayan na dapat lang ipagmayabang. Ngunit bago tayo dumating sa punton iyon, dapat muna natin intindihin ang kontekso ng ating pagkabuo bilang mga Pilipino. Nararapat nating balikan ang ating kasaysayan at tignan ang mga katutubong mga narratibo.

Ang mga katutuboong  mga narratibo na ito ay ang Sikolohiyang Pilipino, Pilipinohiya at Pantayong Pananaw, lahat sila ay para sa indigenization o ang pagtangkilik at pagtanaw ng malaking respeto sa ating kultura. Ayon sa tatlong pananaw na mga ito, nagingibabaw dapat ang ating pagkaPilipino. Pero gaya ng iba’t ibang narratibo, sila ay may mga pagkakaiba rin  at iba iba ang focus.

Sabi nga sa ating klase, ang gusto ng sikilohiyang Pilipino ay ma-“debunk the Western psychology’s claim to universal application”. Dapat tayong maging kritikal sa mga inihahain na mga ideya nila sa atin. Hindi lang dapat tayo tanggap lang ng tanggap dahil sila ay itinuturi nating mas “may alam”. Hindi naman dapat tayo galit sa pagtuturo ng mga Western na pagiisip, marapat lang na matututo tayong suriin ang pwede natin ma-adapt sa ating kultura. Pero sa huli, ang pagkakaron ng nasyonalismo ay ang dapat mangibabaw.

Naalala ko tuloy an gaming diskusyon sa aking Hecusoc na klase. Aming tinalakay ang Complementary and Alternative health medicine vs. Biomedicine”. Ang Complementary and Alternative health medicine ay ang mga nakasanayan na nating pangagamot tulad ng herbal medicine, and traditional healing techniques tulad ng “hilot” at ventusa. Kasama dito ang mga  mangtatawas, faith healers, and folkloric therapies (tawas, tapal, lunas, kudlit) with its varied prayer-form ingredients (bulong, orasyon).  Ang biomedicine naman ay uri ng pangagamot na galing sa West. Dahil sa pagusbong ng teknolohiya, urbanidad, at impluwensya ng Kanluraning pagiisip, mas tinangkilik natin ang biomedicine. Naging mas gusto ng mga tao na magconsulta sa mga doktor na may siyentipikong kaalaman kaysa sa ating mga nakasanayan. Ayon nga sa aming pagsusuri, “Biomedicine  often requires  patients  to alter  customary  behavior  such  as diet, work,  or  drinking  habits,  as well as  to alter  profound  notions  of their  bodies.  It does not, however, attempt to transform the circumstances of a patient’s life in the way sacred healers do.  Spiritualist  healing, on the other hand, can gradually transform  the person's  existence by incorporating  him or her,  and  sometimes  the entire  family,  into a religious  community” Dahil dito, ang buong pagkatao ang napapagaling sa mga complementary at alternative medicine kaysa sa pag-alis lang ng sakit ng biomedicine. Pero kahit na may malaking pagkakaiba ang dalawang ito, dapat parin natin isipin na hindi lang ang West ang marunong magpagamot ng tao kaya hindi natin dapat kalimutan tangkilikin ang sinauna nating paaran ng pagagamot.

Malaban dito, natalakay sa atin ang identity ng mga Pilipino sa pananaw ng mga banyaga. Ayon sa kanila, ang mga values na ito ay pagtanaw ng utang na loob, pakikisama at hiya. Meron pa din mga negatibong kinaugalian tulad ng mamaya na, bahala na, ningas cogon at crab mentality. Naalala ko na naman ang sikat na artikulo ni James Fallows na “ A Damaged Culture”, sabi dito ay may mga kaugalian ang mga Pilipino na hindi maganda, gaya ng nagbangggit kanina, na ang dahilan kaya hindi umuusad ang Pilipinas. Noong nabasa ko ito, naisip ko, “Uy teka, baka hindi naman alam nitong “ibang taong” ito ang kanyang sinasabi”. Masama sa unang tingin ang mga ito, ngunit ito maari rin naman gamitin sa mabuting paraan. Maliban dito, nasabi sa amin sa isang klase na ang Philippine bureaucracy ay meron kultura ng accommodation, pakikisama, familism, at personalism. Ang ibig sabihin ng mga ito ay sa halip na ang batas ang maghari, nagkakaron ng mga exceptions sa batas. Halimbawa, ang mga kapamilya ang inuuna sa halip na dapat ay pantay-pantay lang. Dito rin pumapasok ang loyalty sa pamilya na kahit mali na, ipinagtatanggol parin. At ang panghuli ay ang pakikisama bilang  sistema ng palakasan. So ngayon ano ba talaga? Sa aking palagay, ang mga values na ito ay hindi naman masama. Nababansagan lamang itong masama kung naaabuso  kung hindi mabuti ang intensyon sa paggamit ng mga values na ito. Ang mabuting hangarin naman nito ay mangigibabaw yung ito talaga ang intensyon. Tulad ng aking naransan noong ako ay nasa Zambales, kasama ang mga local na Zambalenyo. Kahit ako ay isang “Ibang Tao” o outsider, itinuri parin nila akong kaibigan nila at na-welcome naman ako. Ito ay dahil ako ay nakisama, nakibagay, nakilahok at mabuti naman ang pakitungo ko sa kanila.

Ang Pilipinohiya naman ay ang pagaral ng pagiging Pilipino at ang mga iba’t ibang klase ng pagiging Pilipino. Gamit ang kultura, inihahalintulad nito ang mga iba-ibang pagiisip ng mga Pilipino. Sa narratibong ito, naisip ko na iba iba ang pagpapahiwatig ng ating pagmamahal sa ating bayan. Merong iba na talagang ginagamit ang sariling wika para magpahiwatig ng kanilang pagiging Pilipino. Meron naming ibang tao na tinatangkilik ang mga Pilipinong mga produkto. May iba na ipinikikita ang pagmamahal sa bansa sa pagpromote ng turismo ng bayan. Madaming uri ng pagpapakita ng pagkaPilipino, ngunit gaano man sila kaiba, iisa parin ang layunin nila. Ito ay ang ipagmalaki na tayo ay Pililipno na dapat magkaron ng nasyonalistikong pananaw. Maliban dito, tulad ng aking mga nabanggit kanina, dapat tayo ay maging sensitibo sa paghiram ng mga Western constructs dahil may mga katangian tayo na tayo lang ang meron. Hindi mareresolba ng pagkopya ng mga Western na modelo dahil iba ang kultura at mga problemang ating hinaharap. Halimbawa, ang ating sistema ay base sa modelo ng pamamalakad ng bansa. Ang demokrasya ay hango sa kanilang demokrasya na ito daw ay ang itinuturing “best form of government” na may kalayaan, hustisya at karapatan. Ito ay masarap pakinggan ngunit alalahanin natin kung pano nila tayo inakit sa ideyang ito. Hindi naman ako laban sa demokrasya, pero sinasabi ko lang na dahil sa hindi pagtugma ng kultura at modelo, may crisis na nagyayari. Ayon nga kay Mouffe, merong krisis ng demokrasya sa mga Third World na mga bansa dahil sa pagkaroon ng “power play” at “antagonistic pluralism”. Maliban dito, kung si James Fallows ay nasuri sa Pilipinas; sa Pilipinohiya snaman, tayo tayong mga Pilipino ang gagagawa n gating pagsusuri sa ating sarili. Tayo kasi ang nakakakilala sa kapwa nating mga Pilipino.

Ang panghuling katutubong narratibo ay ang Pantayong pananaw.  Dito sa narratibong ito, binibigyang halaga ang paggawa ang sariling nating “national” diskurso na kung saan ang ating nation ay gagawa ng isang “kabuuan” ng pagintindi nating kasaysayan para tayo ay umusad ng sama-sama. Pumapasok dito ang kahalagahan ng salitang “tayo” na ibig sabihin ay kinakausap natin ang kapwa Pilipino. Parang ang “tayo” ay ang madaming “I” na kailangan i-assert ang sarili. Ang ating “other” ay ang West. Dapat i-acknowledge natin na may “Other” nga ngunit hindi para gayahin ito pero para i-tama ang mga kamalian. Dagdag pa rito, hindi dapat makialam ang mga makapangyarihan na mga bansang Kanluranin at ano pa man panlabas na mga aktor dahil baka ito ay makakahadlang sa interes ng mga Pilipino. Halimbawa, ang ating mga isyu ay dapat maging internal dahil kung may ibang impluwensya baka masapawan lang ang mga ideya natin. Sa pantayong pananaw, tayo ay gagawa ng sariling paraan at daan, kapwa sa kapwa Pilipino. Kahit man may cultural divide tayong tinatawag na kung saan may dalawang banda- ang mga tumatangkilik ng katutubong kultura at ang mga naimpluwensyahan na ng mga kolonyal, ang pantayong pananaw ang siyang magbibigay daan sa dalawa para umusad ang bansa sa iisang direksyon. Halimbawa, bumabalik na naman tayo sa problema ng core at periphery na kung saan ang elite ng ating bansa ay kumakampi sa Western na kapitalistang sistema dahil sa kanilang sariling interest. Hindi nila namamalayan na itong sistemang ito ay nagbubuo ng mas malawak na agwat sa masa na nagiging “dispossessed”. Ito ay ang elite democracy na ating tinatawag na kung saan ang mga makapangyarihan ang naghahari sa demokrasya sa halip na ang tao ang dapat bigyang pansin.

Sa aking palagay, ang mga katutubong narratibong ito ay dapat maisagawa nating mga Pilipino. Ngunit “it’s easier said than done”. Ang Pilipinas ay may mataas na pagtingin sa mga internasyonal organisasyon o mga banyagang bansa. Hindi natin ito makakaila. Pagpunta palang ng US, dito kulang nalang sambahin natin ang inaapakan nila. Or di kaya kung tayo man ay tutulungan, kulang nalang ay magtatalon tayo sa tuwa. Bakit kailangan pa ng kanilang intervention? Tayo ay dependent sa kanila, ayaw man natin ito aminin. Tayo ay napaka-Westernized. Dapat ngayon mabaliktad na ang sitwasyon, ang mga katutubong narratibo ay dapat manguna sa halip ng mga Western ideas and thoughts. Kaya kung iaapply natin ang mga narratibong yan, mahihirapan tayo kaya’t kakailanganin natin ang tulong ng isa’t isa. Hindi lang sapat ang isang tao para makabuo ng sariling pamaaran at pagtangkilik ng ating kultura, kaya dapat ating isipin na tayong Pilipino ay magbuklod buklod at sabay maghatakan pataas. Gawin na nating itong “Pilipino mentality” at hindi na “crab mentality”. 



Finkler, K. (1994). Sacred healing and biomedicine compared. Medical Anthropology Quarterly, 8(2), Retrieved from http://www.jstor.org/stable/648694

No comments:

Post a Comment